Isang siyentista ang humihimok sa mga kabataan na kumuha ng ‘Masters’ o ‘PhD’ sa sektor ng agrikultura, pangisdaan, at likas na yaman.
Si Dr. Emily S. Antonio, isang siyentista ng Balik Scientist Program o BSP, ay nagbahagi ng kanyang kaalaman upang matugunan ang patuloy na bumababang interes ng mga kabataan sa nasabing sektor. Ito ay ibinahagi sa isang pagtitipon na tinawag na, “Strengthening Connections from Mountain to Sea through Collaborative Research and Education in Davao Gulf” na ginanap sa University of Southeastern Philippines (USeP) sa Davao City.
Tinalakay ni Antonio sa pagtitipon ang isang inisyatibo ng pamahalaan ng Japan kasama ang mga unibersidad at mga ‘research agencies.’ Bahagi ng inisyatibong ito ang pagbibigay ng mga ‘short courses’ para sa mga mag-aaral sa antas na ‘primary’ at ‘secondary’ sa panahon ng taglamig at tag-init. Ang mga kursong ito ay sinasamahan ng mga pananaliksik tungkol sa agrikultura, pangisdaan, at likas na yaman. Inaasahan ni Antonio na magiging modelo ito sa rehiyon ng Davao.
Si Antonio ang kauna-unahang Balik Scientist galing sa South Africa. Siya ay isang ‘Post-Doctoral Research Fellow’ sa Department of Zoology and Entomology sa Rhodes University ng Grahamstown, Eastern Cape, South Africa. Siya ay may PhD sa Agricultural Sciences, Major in Coastal Ecology sa Kyoto University, Japan.
Ang BSP ay pinamamahalaan ng DOST at naglalayon na palakasin ang grupo ng mga eksperto sa larangan ng siyensiya at teknolohiya sa sektor ng akademya, gobyerno, at pribadong institusyon. Ito ay naglalayon din na palakasin ang daloy ng teknolohiya at ang pag-unlad ng mga bago at mahalagang teknolohiya na kinakailangan sa pag-unlad ng bansa.
Parte ng PCAARRD sa BSP ang paghahanap ng mga eskperto at siyentistang Pilipino na kasalukuyang naninirahan sa ibang bansa. Ito ay upang dagdagan ang kakayahan ng mga lokal na eksperto sa siyensiya at teknolohiya sa pagtugon sa mga hamon ng sektor ng agrikultura, pangisdaan, at likas na yaman.