Inilathala ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology o DOST-PCAARRD ang bagong edisyon ng The Philippines Recommends (PR) for Milkfish. Ang nakaraang edisyon nito ay inilabas noong 1983.
Ang bagong edisyon ay inilathala sang-ayon sa layunin ng DOST-PCAARRD na makapagbigay ng makabagong teknolohiya para sa pagpaparami ng bangus.
Isinulat ang lathalain ng mga eksperto sa aquaculture mula sa Santeh Aquaculture Science and Technology Foundation, Inc., University of the Philippine (UP) Visayas-College of Fisheries and Ocean Sciences, Southeast Asian Fisheries Development Center-Aquaculture Department o SEAFDEC-AQD, at UP Los Baños-College of Economics and Management.
Ang PR for Milkfish ay binubuo ng kumpletong materyal para sa pagpaparami ng bangus mula sa semilya hanggang sa pag-aani at pagpoproseso nito. Tinalakay din dito ang paraan ng pagpapalaki sa “ponds” at “cages” gayun din ang pagbebenta at kaukulang pagtatasa sa gastusin at kita sa produksyon.
Ang PR for Milkfish 2016 ay naglalaman ng mga kaalaman mula sa National Milkfish R&D Program na pinondohan ng PCAARRD. Naglalayon ito na mabawasan ang pag-angkat ng mga semilya ng bangus sa bansa.
Maaaring makuha ang sipi ng PR for Milkfish mula sa DOST-PCAARRD, Los Baños, Laguna.