Nagresulta sa maraming ani ng litsugas, brokuli, at presa o ‘strawberry’ ang paggamit ng bagong disenyo ng kanlungan na dinebelop ng mananaliksik at project leader na si Dr. John F. Malamug ng Benguet State University (BSU).
Ang disenyong ito ay isinagawa sa ilalim ng proyektong, “Alternative crop shelter design for the production of high value crops in the highlands,” na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ayon kay Malamug, ang proyekto ay isinagawa upang mabawasan ang mga negatibong epekto ng pagbabago ng klima o ‘climate change’ sa produksiyon ng mga pananim. Ilan sa mga negatibong epektong ito ay ang matinding ulan, tagtuyot, at ang biglang pagtaas at pagbaba ng temperatura na lubos na nakakaapekto sa produksiyon ng pananim.
Malaki ang epekto ng pagbabago ng klima sa probinsiya ng Benguet. Ayon kay Malamug, ang mga ‘cool season crops’ o mga pananim na karaniwang itinatanim sa malamig na panahon katulad ng litsugas, brokuli, at presa, ay nabubuhay nang mas malusog kung sila ay lubos o direktang nasisikatan ng araw nang anim o mahigit pang oras sa loob ng isang araw. Ngunit dahil sa pagbabago ng klima, ang mas mainit na sikat ng araw ay nakababawas ng ani ng mga nabanggit na pananim. Ang ‘temperature stress’ ay nagreresulta sa maagang pamumulaklak ng litsugas at brokuli at maliliit naman na prutas ng presa.
Upang mabawasan ang ‘temperature stress,’ kinakailangang protektahan ang mga pananim sa pamamagitan ng paggamit ng kanlungan at ‘greenhouse.’ Imbis na mamahalin at kumplikadong disenyo, ginagamit ng mga magsasaka ang mga karaniwang istraktura na gawa sa kawayan o kahoy at may takip na plastik. Ito ay mas mura ngunit madali itong masira kapag may bagyo. Kapag tag-init naman, mas nakukulob ang init sa loob ng istrakturang nabanggit, na nagdudulot ng pagkasira ng pananim.
Ayon kay Malamug, ‘double cladding’ ang magandang disenyo ng kanlungan. Ang kanyang disenyo ay gumagamit ng metal na arko na may dalawang patong na takip o ‘double cladding’ na gumagamit ng isang malinaw na plastik at isang berdeng lambat na nagbibigay ng 40, 50, at 60 porsyentong lilim. Ang epekto sa halaman ng iba’t-ibang materyales na pangtakip ay maaaring tukuyin at subaybayan sa pamamagitan ng ‘automatic weather station’ at mga ‘sensor’ na nakapagbibigay ng datos tulad ng temperatura, kahalumigmigan, temperatura ng lupa, kahalumigmigan ng lupa, at ‘photosynthetically-active radiation.’
Ang disenyo ng kanlungan ay simple at ang bastidor o ‘frame’ nito ay matibay. Binase ang pagdebelop ng alternatibong disenyo ng kanlungan sa resulta ng survey, dokumentasyon, at mga disenyo ng kanlungan na ginagamit ng mga magsasaka sa Benguet.
Ipinakita ng isang eksperimento sa BSU research station na mas mataas ang ani ng ‘Romaine lettuce’ sa paggamit ng malinaw na plastik na may 40 porsyentong lilim. Ang ani naman ng presa na itinanim sa ilalim ng plastik na may 50 porsyentong lilim ay mas mataas kumpara sa mga presa na itinanim sa karaniwang kanlungan.
Ang bagong disenyong kanlungan ay nakapagtaas ng ani ng brokuli ng 46.9 porsyento; 22.3 porsyento para sa litsugas; at 20.8 porsyento para sa presa. Ang mga datos na ito ay nakalap sa mga pagsubok na isinagawa sa munisipalidad ng Atok, Buguias, Mankayan, Tuba, Kibungan, at La Trinidad.
Inirekomenda ni Malamug ang paggamit ng dalawang patong na takip o 40 porsyentong lilim ng lambat sa ibabaw ng malinaw na plastik. Para naman sa presa, inirekomenda niya ang paggamit ng dalawang patong na takip o 50 porsyentong lilim ng lambat sa ibabaw ng malinaw na plastik.
Ang dalawang patong na takip ay mas mabuting alternatibo kumpara sa mga karaniwang disenyo ng kanlungan. Bukod sa mas mataas na ani, nakapagbigay ito ng mas mainam na kondisyon para sa mga pagtatanim ng mga magsasaka. Mas matibay din ito laban sa malakas na hangin at iba pang sama ng panahon.