Isang nanopesticide para sa sibuyas ang kasalukuyang binubuo upang matupok ang pesteng dala ng harabas na isa sa mga pangunahing banta sa suplay ng sibuyas sa bansa.
Ang bagong produktong ito ay pinag-aaralan at sinusuri sa Nueva Ecija sa isang proyekto na pinamumunuan ni Dr. Danila Paragas mula sa Central Luzon State University (CLSU). Ang proyekto ay pinopondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD), na sinubaybayan at sinuri ng Agricultural Resources Management Research Division.
Ayon kay Dr. Paragas, ang mga harabas ay umaatake at kinakain ang mga dahon at bunga ng sibuyas tuwing malalamig na oras ng gabi at madaling araw.
Samantala, natukoy din ng mga mananaliksik mula sa CLSU kung gaano kabisa ang nanopesticide laban sa harabas. Pinag-aralan ang kailangang dami ng nanopesticide upang masugpo ang mga harabas mula sa itlog nito hanggang sa paglaki. Ayon sa CLSU, maganda ang naging resulta ng mga eksperimento sa laboratoryo.
Ang bagong binuong nanopesticide na naglalaman ng katas ng halaman at ‘nanoparticles,’ ay kasalukuyang sinusuri sa mga taniman ng mga sibuyas sa Nueva Ecija. Patuloy ang pagsusuri sa bisa ng nasabing pesticide. Inaasahan ng proyekto na makita ang kompletong resulta ng pag-aaral sa susunod na taon.
Ang harabas na may siyentipikong pangalan na Spodoptera axinqua ay sumira ng mga sibuyas sa mga lugar sa rehiyon sa nakalipas na ilang taon. Ang pag atake ng harabas ay nagdulot ng mababang produksyon ng sibuyas na sanhi ng paglobo ng presyo nito sa merkado. Layunin ng proyekto na makabuo ng isang nanopesticide upang makatulong sa industriya ng sibuyas sa bansa.