Isang makinang tutulong sa pagbubukod ng mga mangga ang bagong inobasyon ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech). Layon nitong mapa-igi ang pagpo-proseso ng mga mangga at mapaganda ang kalidad ng mga produkto ng sakahan. Ito ay ang PhilMech automated mango sorting machine na gumagamit ng isang ‘computer vision system’ sa pagbubukod ng mga prutas.
Gamit ang mga camera na nakakabit sa isang kompyuter, kaya nitong kusang piliin kung alin sa isang tumpok ng mga manga ang may sira at ibubukod ito base sa bigat at laki kapag pinadaan ang mga mangga sa makina. Dahil dito, mababawasan ang taong magbubukod ng mangga na mula sa 20, dalawang tao na lamang ang kailangan.
Base sa mga naunang pagsusubok, nakapagtala ang sorting machine ng 94.44% ‘accuracy’ at ‘precision.’ Pasado ito sa mga pandaigdigang pamantayan. Kaya rin nitong magbukod ng aabot sa 720 hanggang 800 na mangga kada oras.
Inaasahan ng PhilMech na mabebenta ang sorting machine sa abot-kayang halaga para sa mga magsasaka. Kung ihahambing sa ibang sorting machine sa merkado na nagkakahalaga ng hanggang 1 milyong piso, ang PhilMech automated mango sorting machine ay tinatayang magkakahalaga lamang ng humigit-kumulang sa P168,000 bawa’t isa.
Sa usaping pagkawala ng trabaho ng mga nagbubukod ng mangga, ipinaliwanag ni Engr. Arlene Joaquin, ang nanguna sa paglikha ng nasabing inobasyon, na maituturing na oportunidad ito sa halip na banta o pagkabahala. Ayon kay Engr. Joaquin, isa sa mga problema ngayon ng industriya ang kakulangan ng manggagawa lalo na sa panahon ng anihan.
“Ito ay isang solusyon ng industriya sa kakulangan ng manggagawa kapag nagsa-sabay sabay ang pag-ani. And, [the PhilMech automated mango sorting machine] is a very good intervention kasi kumukuha pa po sila ng mga laborers sa neighboring towns,” ayon kay Engr. Joaquin.
Patuloy namang lilinangin ng grupo ni Engr. Joaquin ang automated mango sorting machine upang mas mai-angkop ito ayon sa pandaigdigang pamantayan at para magamit din sa iba pang mga produktong pang-agrikultura. “Next year, naka-programa itong subukan sa export of mangoes. So, exporters po ang titingin nito base sa actual capacity and also for other circular vegetables,” ani ni Engr. Joaquin.