LOS BAÑOS, Laguna--Inihayag ng anim na mga mananaliksik na nasa pinal na listahan ng mga magwawagi ang kani-kanilang mga lahok sa National Symposium for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (NSAARRD) para sa Best Research and Best Development Paper.
Isinagawa ang NSAARRD kamakailan sa Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development, Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) Innovation and Technology Center (DPITC).
Pormal na gagawaran ng pagkilala ang mga magwawagi sa Hunyo 19, 2019 sa Philippine International Convention Center (PICC), Pasay City kasabay ng ika-walong anibersaryo ng DOST-PCAARRD.
Nagtutunggali sa research category ang mga sumusunod na Research Papers:
• “Enhancing Milk Production of Dairy Goats through Indigofera zollingeriana Supplementation” ng Central Luzon State University (CLSU);
• “Innovation of Root Trainer Technique and Precision Grafting Technology for Rapid Propagation of Quality Planting Materials of Rubber” ng Department of Agriculture-Regional Field Office 9 (DA-RFO 9); at
• “Spore Bank Establishment, Propagation, and Conservation” ng Central Mindanao University (CMU).
Layon ng pag-aaral ng CLSU na tugunan ang seguridad sa pakain ng mga kambing sa pamamagitan ng ‘Indigofera-based pellets,’ na tinawag nilang “Sure Feed for Goats” or “SFEED.”
Nais naman ng pag-aaral ng DA-RFO 9 na makapagbigay ng mga kalidad na mga ‘rubber planting materials’ gamit ang ‘root trainer technology.’ Pinabibilis ng teknolohiya ang paglaki ng mga pananim sa loob ng 5-6 na buwan kumpara sa nakaugaliang pamamaraan ng pagpapatubo ng binhi sa mga ‘budded polybags’ na tumatagal ng 8-10 buwan.
Ang teknolohiya ng CMU ay naglalayong tugunan ang pagbaba ng ‘fern biodiversity’ sa bansa sa pamamagitan ng pagpaparami ng mga pako sa spore bank ng unibersidad. Sa kasalukuyan ay may 770 koleksyon na ng spores mula sa 120 uri ng pako.
Samantala, nagtutunggali naman sa development category ang mga sumusunod:
• “CPAR on Integrated rice-based farming system management: Approach towards Community-driven Agricultural Development in Ilocos Norte” ng DA-RFO 1;
• “Technology Demonstration and Promotion of Mechanized Rice Farming in the Lowland Irrigated Areas in Region 2” ng DA-RFO 2; at
• “Enhancing Mungbean Production in Bicol Region” ng DA-RFO 5.
Tinatalakay sa pag-aaral ng DA-RFO 1 ang resulta ng Community-based Participatory Action Research (CPAR). Nakinabang ang mga magsasaka sa pagtaas ng ‘cropping pattern’ mula 20 ektarya (ha) na naging 60.4 ha. Tumaas din ang ‘net return’ na umabot sa ₱33,728/ha (444% na pagtaas) sa mga ‘rainfed areas’ at ₱66,394.07/ha (164% na pagtaas) sa mga ‘irrigated areas.’
Layon naman ng pag-aaral ng DA-RFO 2 na pataasin ang antas ng produksyon ng palay sa pamamagitan ng paggamit ng mga makina tulad ng ‘mechanical direct seeder’ at ‘transplanter.’
Ginamit naman ng DA-RFO 5 ang istratehiya ng pagiiba-iba ng pananim o ‘crop diversification’ tungo sa lubos na paggamit ng lupa, pagpapalaki ng kita, at pagiging mas produktibo ng mga magsasaka.
Inorganisa ng DOST-PCAARRD ang NSAARRD upang kilalanin ang mga natatanging ambag ng mga indibiduwal at institusyon sa pagpapahusay ng estado ng pagsasaliksik at pagpapaunlad para sa interes ng agrikultura, akwatika, at likas na yaman ng bansa.