Philippine Standard Time

Anim na ‘Learning Watershed’ bilang pamamaraan ng pangangalaga, itinatag

Anim na watershed sa iba’t-ibang bahagi ng bansa ang itinalaga para sa pag-aaral kaugnay ng pangangalaga sa mga watershed ng bansa sa ilalim ng isang proyekto.  

Ang proyekto na may titulong National Research and Development Project for Watershed Management in the Philippines (NRDPWMP), ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).

Layon ng proyekto na tinawag ding Integrated National Watershed Research and Development Project INWARD), na mangalap ng mga datos at impormasyon na mahalaga sa pag balangkas ng mga polisiya at desisyon. Kabilang dito ang uri at hangganan ng paggamit ng lupa at mga nakagawiang gawain sa isang partikular na watershed. Mahalaga ito upang maiwasan ang pagkasira ng yamang tubig sa ibabaw at ilalim ng lupa.

Ang mga watershed ay nagbibigay ng iba’t-ibang pakinabang na pangkabuhayan kagaya ng pagsasaka at pang-ekolohiya.  

Kabilang sa mga itinatag na watersheds para sa pag-aaral ay ang Pagsanjan-Lumban Watershed sa Laguna; Quiaoit River Watershed sa Ilocos Norte; Saug Watershed sa Davao del Norte; Abuan Watershed sa Isabela; Muleta Watershed sa Bukidnon; at Quinali Watershed sa Albay.

Napili ang mga nasabing watershed dahil kinakatawan nila ang maraming naiibang katangian ng mga watershed sa bansa. Kabilang dito ang relasyon ng panahon, gawain, at distribyusyon ng mga iba’t ibang uri ng halaman, hayop, at organismo ayon sa pisikal na anyo at mga proseso na umiiral dito. Mahalaga ang pag-aaral kaugnay ng mga nasabing bagay upang siguruhin  na maisasama sa ‘database’ ang iba’t-ibang mga kondisyon na may epekto sa mga naninirahan sa paligid ng mga watershed ganon din ang kondisyong sosyo-ekonomiko. 

Naglagay ng mga ‘monitoring system,’ kabilang ang mga ‘sensor,’ ‘monitoring plots,’ at mga ‘survey tools’ para sa pag-aaral ng mga pisikal, biolohikal, at sosyo-ekonomikong kondisyon sa mga target na lugar sa watershed.

Ang mga datos kaugnay ng klima, tubig, lupa, kabuuang dami at pagkakaiba-iba ng sari-saring halaman at hayop sa mga watershed ay natapos na rin sa ilalim ng proyekto at nakaimbak sa website ng proyekto sa www.philwatershed.org, na siya ring nagsisilbing ‘web-based database management system’ ng proyekto. 
Nakabuo rin ang proyekto ng pamantayan para sa pag monitor ng iba’t-ibang kondisyon na may kinalaman sa klima, tubig, lupa, mga organismo, at kondisyong sosyo-ekonomiko para sa pagpoproseso ng mga datos na ilalagak sa database. 

Inaasahan na ang tuloy tuloy na pag-momonitor ng mga nabangit na kondisyon sa ilalim ng proyekto ay makatutulong sa pagpapahusay at pagtugon sa nararapat at pangmatagalang pangangasiwa ng mga watershed. Ito rin ay makakatulong sa pagpapatupad ng angkop na polisiya kaugnay ng mga desisyon sa pagtataguyod ng ligtas at malinis na ‘supply’ ng tubig, maayos na kabuhayan, pagbawas sa panganib na dala ng ‘climate change,’ at pagpigil sa malawakang pagkasira ng mga watershed sa bansa. 

Pakikinabangan din ang mga datos at impormasyon sa pagtukoy sa pinakamabuting kombinasyon ng mga pangunahing gamit ng watershed gaya ng ‘power generation’;  pangangalaga sa mga sari-saring halaman at hayop sa lugar; pagpigil sa baha; at pagkakaroon ng maayos na irigasyon.