Philippine Standard Time
Featured

Akwakultura para sa tilapia, pinag-aaralang gawin sa tubig-alat

Karaniwang namumuhay ang mga tilipia sa tubig-tabang gaya ng ilog at lawa. Ngunit sa  kasalukuyan, pinag-aaralan ng mga Pilipinong mananaliksik ang pagpaparami ng isang ‘strain’ o uri ng tilapia na kayang mabuhay sa tubig alat.

Ang Saline-tolerant Population of Improved Nilotica (SPIN) tilapia ay dinebelop ng mga mananaliksik at siyentista ng University of the Pilipinas Visayas (UPV) sa tulong at suporta ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). Nilikha ang UPV SPIN tilapia sa pamamagitan ng ‘selective breeding’ o pagpapalahi ng mga piling isda na may natatanging kakayahan. Pinili ang tilapiang Oreochromis niloticus dahil sa kakayahan nitong mabuhay sa tubig-alat. 

Bukod sa UPV SPIN, dalawang lahi pa ng tilapia, na kayang mabata ang tubig-alat, ang dinebelop sa bansa. Ito ay ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources Brackishwater Enhanced Selected Tilapia (BFAR BEST) at BFAR-Molobicus ‘strain.’

Inaasahang ang kakayahan ng mga tilapia na mabuhay sa tubig-alat ang isa sa mga magiging tugon sa mga pagsubok sa industriya. Mabisang alagaan ang mga ganitong isda sa mga lawa o ilog na konektado sa karagatan. Dahil sa patuloy na pagtaas ng lebel ng mga karagatan, kinakaharap ng mga nagpaparami ng tilapia ang pagkamatay ng mga alagang isda dahil sa intrusyon ng tubig-alat sa mga palaisdaan sa tubig-tabang.

Base sa resulta ng mga pag-aaral, ang UPV SPIN at BFAR BEST ay nagpakita ng mabilis na paglaki at mataas na tiyansang mabuhay sa tubig-alat. Nakamit ng mga isda ang sapat na timbang na panghango, na 250 gramo sa loob ng 100 araw. Samantala, nagpamalas naman ang UPV SPIN ng pinakamagandang produksyon sa tubig-alat kumpara sa BFAR BEST at BFAR-Molobicus strain.

Inaasahan ding mapapaigting ng teknolohiya sa tilapia ang kabuhayan ng mga mangingisda. Dahil mas simple ang paraan ng pagpaparami ng mga tilapia sa tubig-alat, mas magiging madali ang pagtangkilik dito ng mga maliliit na operasyon ng akwakultura.

Tugon sa banta sa kalusugan ng saribuhay 

Isinaalang-alang din ng mga mananaliksik ang posibilidad ng mga ganitong uri ng tilapia na maging mapanalakay at mapanira ng natural na saribuhay sa karagatan at sa tubig-tabang. Ayon sa UPV, ang UPV SPIN ay walang kakayahang magparami sa mga katubigang may 15 parts per thousand (ppt) na lebel ng alat o gaya ng mga tubig sa karagatan. Ito ang hahadlang sa mga tilapia na makapangambala sa karagatan.Bukod pa rito, naitala rin na ang UPV SPIN at ang mapanalakay na species ng tilapia na Sarotherodon melanotheron ay walang kakayahang magkaroon ng ‘hybridization’ o  paghahalo ng dalawang uri ng tilapia na may magkasamang katangian ng magulang.