Ang ACTICon™, isang produktong bayopestisidyo, ay mabisang pangkontrol sa Fusarium wilt o “Panama disease” ng saging.
Ito ay natuklasan ng mga mananaliksik sa pamamagitan ng proyekto na pinondohan at sinubaybayan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Ang Fusarium wilt o pagkalanta ng saging ay sanhi ng Fusarium oxysporum f.sp cubense (Foc), isang patohenong punggus na umaatake sa uri ng saging na Cavendish. Ang punggus na ito ay pinangalanang Tropical race 4 (TR4).
Tulad ng ibang klase ng nasabing punggus, ang TR4 ay hindi makokontrol ng “fungicide” at hindi mapupuksa sa pamamagitan ng “fumigation,” ayon sa mga ulat siyentipiko. Subalit sa pamamagitan ng ACTICon™, ang sakit na ito ay maaaring malunasan.
Ang proyekto ay isinagawa nina Irene Alcantara-Papa at Teofila O. Zulaybar, mga mananaliksik ng National Institute of Molecular Biology and Biotechnology ng University of the Philippines Los Baños (UPLB-BIOTECH).
Isinagawa ang pag-aaral ng pormulasyon ng ACTICon™, matapos ang serye ng mga pagsubok sa laboratoryo at mga taniman. Sinala nila ang 577 ‘microbial isolates’ kung saan 259 sa mga ito ay Actinomycetes, 305 ay Bacillus, at 13 ay mga punggus na nabubuhay sa pagitan ng “cells” ng isang organism o “Endophytic.” Sa mga Actinomycetes na sinala, 81 sa kanila ang nagpakita ng kakayahan laban sa F. oxysporum. Ang mga ito ay lubos pang sinuri sa laboratoryo.
Ang ACTICon™ ay kombinasyon ng mga actinomycetes o mga mikrobyo na likas na nabubuhay sa lupa. Ang mga mikrobyong ito ay may kakayanang sugpuin ang ibang mikrobyo na nagdudulot ng sakit.
Ang actinomycetes na ginamit sa pormulasyon ng ACTICon™ay mga ligtas na mikrobyo. Nakayanan ng mga mikrobyong mabuhay sa ibat-ibang kondisyon sa taniman, ayon sa pagsubok na ginawa sa Sto. Tomas at Asuncion, Davao del Norte.
Ang bisa ng ACTICon™ ay naobserbahan sa mga taniman ng saging na may 100% impestasyon ng Foc TR4. Bumaba ang antas ng mga namatay na halaman sa mga tanimang ginamitan ng ACTICon™ kumpara sa mga halamang hindi ginamitan nito.
Sa mga halaman na ginamitan ng ACTICon™, 33.33 porsiyento lang ang mga namatay sa Sto. Tomas at 24.24 porsiyento naman sa Asuncion. Lahat ng halamang saging ay namatay sa mga lugar na hindi ginamitan ng ACTICon™.
Inire-rekomenda ng mga mananaliksik ang patuloy na pagsubok sa iba pang taniman ng saging sa ibang lugar sa Mindanao, upang mapagtibay ang bisa ng ACTICon™ bilang epektibong pangkontrol ng Fusarium wilt o “Panama disease.”