Isang pagsasanay sa Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang isinagawa upang turuan ang tatlumpu’t dalawang mananaliksik at ‘technology transfer officers’ o TTOs sa paggawa ng aplikasyon para sa patente. Ang pagsasanay ay tumagal ng limang araw at isinagawa sa DOST-PCAARRD Innovation and Technology Center o DPITC sa Los Baños, Laguna.
Ang mga kalahok na nanggaling sa 13 na pampubliko at pribadong ‘higher education institutions’ o HEIs ay nakapaggawa at nakapagpasa ng dalawampu’t dalawang aplikasyon para sa patente online. Ipinasa ang mga aplikasyon sa pamamagitan ng ‘online filing system’ ng Intellectual Property Office of the Philippines o IPOPHL. Ang mga patente ay kinasasakupan ng larangan ng kalusugan at gamot; pagkain; mga halaman; muwebles, ‘information technology, at iba pa.
Ang pagsasanay ay inorganisa ng DOST-PCAARRD, World Intellectual Property Organization (WIPO), IPOPHL, at ng Association of PAQE Professionals, Inc. (APP).
Binigyan ng mga lektiyur at mga pagsasanay ang mga kalahok sa paghahanap ng mga nagawa nang patente; ‘invention spotting,’ paghahanda ng mga detalye ng patente, at ‘claims drafting.’ Natuto rin sila sa mga karanasan ng mga ‘resource persons’ tungkol sa pagpasa ng patente at mga ginawang pag-uusig.
Nagbigay ng mensahe si Atty. Andrew Michael Ong, ang Regional Director for Asia and the Pacific ng WIPO kung saan sinabi niya na ito ang unang beses kung saan ang mga aplikasyon ng patente ay agad na ipinasa online pagkatapos ng isang pagsasanay. Ayon pa sa kanya, magsasagawa rin ang WIPO ng mga pagsasanay na katulad nito sa Pilipinas at iba pang bansa na miyembro ng kanilang organisasyon. Bibigyan din ng ‘technical assistance’ ng WIPO ang mga produktong ipinasa ang patente upang matulungan na maging komersyal ang mga ito.
Ang mga nagsalita sa mga lektiyur ay sina Dr. Jonathan Salvacion ng Mapua University; Caezar Angelito Arceo ng DOST-Technology Application and Promotion Institute (DOST-TAPI); Atty. Jerry Serapion ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice); at Noel Catibog ng Technology Transfer and Promotion Division (TTPD) ng DOST-PCAARRD. Ang mga nangasiwa ng pagsasanay ay sertipikadong ‘patent agents’ at aktibong miyembro ng APP.
Parte ng Enabling Intellectual Property (IP) Environment Project (EIPE) ng WIPO ang pagsasanay. Ang labintatlong lumahok na HEIs ay miyembro ng ‘IPOPHL network of innovation and technology support offices’ ng bansa.