Nakapagparami ng mga suhi ng Saba na ligtas sa sakit sa pamamagitan ng ‘tissue culture’ at ‘macropropagation’ sa mga pasilidad ng Nueva Vizcaya State University (NVSU), Quirino State University (QSU), at Cagayan Valley Research Center (CVRC).
Sa pamumuno ni Dr. Elbert A. Sana ng NVSU, ang proyektong, “Tissue Culture and Macropropagation of Saba: Cagayan Valley’s Planting Material Support System for Banana,” ay naglalayong tugunan ang pagkalat ng mga sakit mula sa paggamit ng mga suhing may impeksyon at kawalan ng kakayahan ng mga magsasakang tanggalin ito agad mula sa mga halaman.
Naitaas ng proyekto ang produksyon ng mga suhi ng Saba sa pamamagitan ng tissue culture at ‘whole corm’ macropropagation. Ang whole corm macropropagation ay isinasagawa sa pamamagitan ng pangongolekta at pagproseso ng mga ‘sword sucker’ o suhing tumubo mula sa ‘mother plant,’ kung saan itinatanim ang mga ito sa abono bago patubuin sa sagingan. Sa pamamagitan nito, nabigyan ang mga magsasaka ng kalidad na mga pananim.
Nagsagawa ang NVSU ng ‘disease indexing’ o paglilista ng mga sakit at kondisyon ng mga halaman tulad ng ‘banana bunchy top virus’ (BBTV) at ‘banana bract mosaic virus’ (BBrMV) bago gawin ang macropropagation upang masigurong malinis at walang sakit ang mga pananim.
Ang tissue culture ng Saba ay isinagawa ng tatlong institusyon batay sa protokol at ‘growth media’ para sa ‘culture establishment,’ ‘subculture,’ pagpapaugat at ‘meriplant production.’
Bukod pa rito, itunuro rin ng NVSU ang whole corm technique at paggamit ng Saba macropropagation sa mga narseri ng QSU at CVRC.
Dahil sa proyekto, umabot sa 52,685 ang kabuuang produksiyon ng suhi ng Saba sa pamamagitan ng tissue culture (43,605 plantlets) at macropropagation (9,080 plantlets).
Upang mapabuti pa ang mga pamamaraan ng pangangalaga ng Saba, masusi ring pinili ang mga magsasakang nakilahok sa mga ‘techno-showcase’ at iba pang aktibidad na may kinalaman sa pagtatatag ng sakahan sa pamamagitan ng mga ‘demonstration farm.’
Binigyan ng 100 o higit pang suhi ng Saba ang mga piling techno-showcase farm na kumita ng P98,795 sa loob ng dalawang ikot ng produksyon.
Kasunod ng pagtatapos ng proyekto, naranasan ang pagtaas ng produksyon ng saging sa Cagayan Valley kung saan 85 na mga bagong magsasakang benepisyaryo ang nakapagtatag ng mga bagong sagingan sa loob ng 36 ektaryang lupain. Nakatanggap din ang mga magsasaka ng komprehensibong ‘techno-guide’ tungkol sa mahusay na pangangalaga ng sagingan.