Isang proyekto na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development, Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang tumukoy sa 14 na lokasyon na maaaring gamitin upang mag-alaga ng tahong. Ang 14 na lugar na ito ay may kabuuang sukat na 6,283.30 na ektarya.
Ang nasabing proyekto ay may titulong “Suitability assessment and database development for enhanced mussel culture management using geospatial technologies.” Ito ay isinasakatuparan ng University of the Philippines Visayas (UPV) at UP Diliman sa pangunguna ni Dr. Carlos C. Baylon ng UPV, Miagao, Iloilo.
Naglalayon ang proyekto na makatukoy ng potensyal na lokasyon na may kondisyon na ‘hydrographic’ at ‘biophysical’ para sa pagpapalaki ng tahong. Ang pagtukoy ng mga potensyal na lokasyon na ito ay makatutulong sa pagtugon sa mga isyung pambansa gaya ng seguridad para sa pagkain, paggawa ng pagkakakitaan, at pagbabawas sa bilang ng mga mahihirap o ‘poverty alleviation.’
Gamit ang ‘geospatial technologies,’ ang 14 na lokasyon ay matatagpuan sa Hagnaya, Cebu (122 ha); Calape, Bohol (680 ha); Misamis Occidental partikular sa Murcielagos at Panguil Bay (512.50 ha); Placer, Surigao del Norte (71.5 ha); Sagay, Negros Occidental (1,390 ha); Bais, Negros Oriental (1,300); Marinduque (1,098 ha); Buguey, Cagayan (34.3ha); Davao City sa Mati City at Panabo City (990 ha); at Bislig, Surigao del Sur (100 ha).
Sinisigurado pa ang mga impormasyon tungkol sa mga lokasyon tulad ng ‘road accessibility,’ ‘navigational lane,’ presensya ng mga bahura at ‘sea grasses,’ ‘red tide history,’ pinanggagalingan ng binhi, polusyon, at turismo.
Ginamit ang mga datos mula sa satellite ng National Aeronautics and Space Administration (NASA) at European Space Agency (ESA) upang makagawa ng mga modelo na makatutulong sa pagtukoy sa mga nasabing potensyal na lokasyon. Kinolekta galing sa mga lugar ang mga datos gaya ng temperatura ng tubig, pH, ‘dissolved oxygen,’ kalinisan, at ‘chlorophyll.’ Gamit ang mga datos na ito, nakagawa ng mga mapa na nagpapakita ng mga lugar na pwedeng gamitin sa pag-aalaga ng tahong.
Upang madaling makuha ang mga nasabing impormasyon na ito, ang mga datos ay ilalagay sa isang ‘database’ na maaaring makita sa Internet sa pamamagitan ng isang ‘website.’ Magiging kapaki-pakinabang ito sa mga nag-aalaga ng tahong, mga kawani ng gobyerno, at mga indibidwal sa pribadong sektor.