Habang sumasabay ang publiko sa mga pagbabago dala ng epekto ng ‘COVID-19 pandemic’ at sa pag-aangkop ng mga gawi sa ilalim ng ‘new normal,’ patuloy ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) sa pagtugon sa misyon nitong makapagbigay ng mga makabagong siyensya at teknolohiyang solusyon para sa seguridad ng pagkain sa bansa.
Ayon sa pagsubaybay at pagsusuri ng Agricultural Resources Management Research Division (ARMRD) ng DOST-PCAARRD, aabot sa 1,013 na sambahayan mula sa 29 na komunidad sa National Capital Region (NCR) ang naturuan ng iba’t ibang ‘urban agriculture technologies’ kagaya ng ‘Enriched Potting Preparation (EPP),’ ‘Simple Nutrient Addition Program (SNAP) hydroponics,’ at ‘mushroom culture.’ Ang mga teknolohiyang ito ay produkto ng natapos na proyektong pinondohan ng DOST-PCAARRD na “Improving Food Security in Selected Areas in the National Capital Region in Response to COVID-19 Crisis through Urban Agriculture,” sa pangunguna ni Regional Director Jose B. Patalinjug III at Senior Science Research Specialist Elvin B. Almazar ng DOST-NCR.
Iba’t ibang komunidad sa NCR ang nakinabang mula sa 29 trainings at 14 na webinars tungkol sa mga kaalaman at kagawian sa mga teknolohiya ng ‘urban gardening.’ Ang pangunahing benepisyaryo ng proyekto ay ang mga nasasakupan ng Barangay 412, Zone 42, at District IV sa Maynila na kinilala dahil sa kanilang mga pagsisikap upang mabigyang seguridad ang suplay ng pagkain sa kanilang mga sambahayan at mga paaralan sa komunidad, kasama ang mga manggagawa at mga guro. Nakatanggap din ang mga benepisyaryo ng 12,670 na EPP at 1,300 na SNAP kits. Bukod sa pagtatayo ng mga ‘community garden,’ naturuan din ang mga sambahayan kung paano i-recycle ang mga plastik na bote at lagayan upang lumikha ng ‘super paso.’ Maaari gamitin ang mga super paso sa pagtanim ng iba’t ibang uri ng gulay sa kanilang mga bakuran at mga bakanteng espasyo sa komunidad.
Ang proyektong ito ay bahagi ng Good Agri-aqua Livelihood Initiatives Towards National Goals (GALING-PCAARRD). Ito ay naglalayong tugunan ang mga hamong dala ng pandemya sa sektor ng agrikultura, akwatika, at likas na yaman. Layunin din ng programang ito na mas bigyan kakayahan ang mga komunidad at makapagbigay ng mapapanatiling suplay ng pagkain sa kabila ng mga pagsubok ng panahon. Kasama ang mga katuwang na ahensya, layon ng DOST-PCAARRD na tugunan ang seguridad sa pagkain, malnutrisyon, at pagkagutom sa pamamagitan ng pagtatakda ng mura at masustansyang pagkain mula sa bakuran ng sambayanan at mga harding pangkomunidad.