May bagong ‘dehydrator machine’ na epektibong makapagpapatuyo ng materyales sa paggawa ng herbal tea. Ito ay ginawa ng Iloilo Science and Technology University (ISAT U), sa pamamagitan ng proyektong pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).
Sa pamamagitan ng dehydrator machine, ang mga prodyuser ng herbal tea sa Iloilo, tulad ng Ephrathah Farms, ay magkakaroon ng pagtaas sa kanilang produksyon ng tsaa mula sa karaniwang 0.5 kilo kada araw, hanggang limang kilo kada araw sa mas mababang halaga ng enerhiya.
Ang kakulangan ng siyentipikong basehan sa paggawa ng herbal tea na makapagsisigurado ng benepisyo nito at ang kakulangan ng kinakailangang kagamitan sa pagproseso ang nagbunsod sa ISAT U upang isagawa ang proyektong ito.
Ayon sa lider ng proyekto na si Dr. Renerio S. Mucas ng ISAT U, mahusay na makapagpapatuyo ang dehydrator machine ng mga sariwang dahon ng bayabas, malunggay, at gubayano, mga talulot ng roselle at iba pang materyales sa paggawa ng tsaa. Ang makinarya ay may ‘solar heat catcher’ (na ikinakabit sa labas) at ‘drying chamber’ na kasya ang 12 trays kung saan pinapatuyo ang mga dahon. Kung sakaling hindi sapat ang init mula sa araw o ‘solar radiation,’ ang dehydrator ay may ‘backup electric heater.’
Kinumpleto ni Dr. Mucas at ng mga kasamahan niya sa proyekto ang ‘phytochemical screening’ ng mga dahon na ginamit sa paggawa ng herbal tea at iba pang produkto nito. Nagampanan din nila ang pagsasa-ayos ng ‘protocol’ o mga panuntunan sa pagpapatuyo ng nasabing materyales na magreresulta sa magandang kalidad ng tsaa.
Dagdag pa rito, sinabi ni Dr. Mucas na para sa mabisang resulta, ang mga dahon at iba pang parte ng halaman sa paggawa ng herbal tea ay dapat tinutuyo sa 45 °C na temperatura hanggang maabot ang ideyal na ‘moisture content’ na 8%. Sa antas ng moisture content na ito, mapapanatili ang karamihan ng ‘phenol content’ at ‘high antioxidant activity’ sa mga tinuyong dahon at iba pang parte ng halaman.
Ang dehydrator machine at kaugnay na ‘drying protocol’ ay inaasahang makapagpapataas ng produksyon at kalidad ng tsaa. Ang pagaaral ay ginawa para sa herbal tea lamang subalit may potensyal din itong gamitin sa pagpapatuyo ng iba pang pagkaing halaman at isda.
Samantala, naisumite na ang aplikasyon ng ‘patent’ ng nasabing dehydrator machine sa Intellectual Property Office of the Philippines (registration no 3-2018000623). Ang ‘research paper’ na pinamagatang “Performance evaluation of a programmable dehydrator machine for herbal tea materials” ay nailathala sa International Journal of Engineering Science and Computing (IJESC) June 2019 isyu.
Ipagpapatuloy naman ng ISAT U ang kanilang ‘field testing’ at ‘promotional activities.’ Nagbibigay rin sila ng ayuda para sa interesadong gumawa ng makinarya.