Isang teknolohiyang tinatawag na ‘octagonal bamboo pole jointing system’ na magagamit sa makabagong pamamaraan sa paggawa ng mas matibay na istrukturang kawayan ang nadebelop ng Forest Products Research and Development Institute (FPRDI). Ang teknolohiyang ito ay maaaring magamit nang agarang konstruksyon na ginagamitan ng semento, buhangin, ‘nuts and bolts,’ ‘steel plates,’ at ‘bars.’
Pinapadali ng octagonal bamboo pole jointing system ang konstruksyon dahil nagsisilbi itong konektor ng mga kawayan upang makabuo ng mas matibay na istrukturang kapareho sa pundasyon ng mga bahay. Kaya nitong sumuporta ng istrukturang may bigat na 1,700 kilo.
Malaki ang tulong ng makabagong istrukturang ito dahil bukod sa mura at matibay ang mga kawayan ay maaari pa itong gamitin ng mga lokal na pamahalaan o LGUs sa paggawa ng pansamantalang tuluyan ng mga tao sa panahon ng kalamidad.
Makatutulong rin ito upang mapaunlad ang industriya ng pagko-konstruktura ng matibay at ‘eco-friendly’ na bahay. Gayundin, ito ay maaaring magbigay ng dagdag na kita para sa mga maliliit na negosyong gumagawa ng bahay mula sa kawayan.
Ang teknolohiyang ito ay nagawa sa ilalim ng proyektong pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).