Upang makontrol ang pagkalat ng White Spot Syndrome Virus (WSSV) sa sugpo (Penaeus monodon), siniyasat ng mga eksperto ang mga metodolohiyang kasalukuyang ginagamit para sa lokal na aplikasyon, tulad ng RNA interference (RNAi).
Sa sektor ng akwatika, malawak ang kontribusyon ng produksyon ng hipon dahil ito ay nakatutulong sa seguridad ng pagkain at paglago ng ekonomiya. Malaki ang epekto ng White Spot Disease (WSD) na dulot ng WSSV sa produksyon ng hipon dahil ito ay isang nakakahawang viral na sakit na nagdudulot ng mataas na pagkamatay sa hipon at pagkalugi ng industriya.
Upang maibsan ang epektong ekonomikal ng WSSV sa sugpo, ang proyektong “Targeting essential genes utilizing RNA interference to mitigate WSSV in tiger shrimp” ay isinasagawa ng Unibersidad ng Santo Tomas (UST). Ang proyekto ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). Naglalayon ito na bigyan ng mas malalim na pag-unawa sa ugnayan ng ‘host’ at ‘virus’ at asintahin ang ‘genes’ na maaaring may epekto sa abilidad ng WSSV na makahawa o magdulot ng sakit.
Gumagamit ang proyekto ng RNAi, isang napatunayang ‘genetic technique’ na ang trabaho ay kontrolin ang partikular na ‘genes’ na responsable o magiging dahilan upang magkaroon ng sakit ang hipon. Ito ay tinatawag na ‘gene silencing’. Ito rin ay naisasagawa sa pamamagitan ng ‘double-stranded RNA’ o dsRNA na tumutugon sa ‘viral genes’ upang hindi nito magawang makapag-dulot ng sakit. Ang RNAi-based technology ay gagawin upang mapigilan ang ekspresyon ng gene sa ng WSSV ‘genome’ at maiwasan itong kumalat at magdulot ng sakit sa sugpo.
Isang mahalagang parte ng proyekto ay ang ‘in vivo method’ kung saan pinaparami ang dsRNA molecules sa loob ng mismong organismo.
Sa unang taon ng proyekto, nakapagtukoy na ang proyekto ng tatlong genes na nagpapakita ng potensyal bilang ‘therapeutic o epektibong targets’ para subukan sa laboratoryo.
Kabuuang layunin ng proyekto ang pag-protekta sa kabuhayan ng mga nag-aalaga ng hipon at pagseguro ng industriya ng akwatika sa bansa.
