Maaaring magamit ang balat, pinagtanggalan ng mata, ubod, at sapal ng “Queen Pineapple” bilang patuka sa katutubong manok. Ang patuka ay tinatawag na Queen Pineapple (QP) Bran.
Ang QP Bran ay nakapagpapalusog sa katutubong manok. Ito ay kasing husay ng Rice Bran o darak mula sa palay at may presyong abot-kaya.
Ginawa ang QP Bran sa pamamagitan ng proyekto ng Camarines Norte State College (CNSC) na pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). Ang proyekto ay pinangungunahan ni Ms. Michelle S. Carbonell at Dr. Sonia S. Carbonell. Ito ay naglalayong makagawa ng iba’t-ibang produkto mula sa mga bahagi ng Queen Pineapple na karaniwang tinatapon.
Ang QP Bran ay isa sa mga proyekto ng programang “Enhancing the Marketability and Quality of Queen Pineapple Wastes” na isinakatuparan ng Visayas State University (VSU), CNSC, at ng Department of Agriculture Regional Field Office V.
Ayon kay Michelle S. Carbonell, ang 50 porsyentong QP Bran at 50 porsyentong Rice Bran ay magandang kombinasyon para sa katutubong manok na “Camarines strain” na nagmula sa Camarines Norte.
Ayon sa panimulang result ng kanilang pag-aaral, sa loob ng 30 araw, ang katutubong manok na may gulang na 150 araw na pinakain ng 50:50 pormula, ay kasing husay ng mga manok na pinakain ng Rice Bran lang. Ang mga basehan ng pagkukumpara ay ang inilaki ng timbang, gastos sa patuka, dami ng nakain, at sukatan ng kakayahan ng manok sa pag-‘convert’ ng kanilang pagkain para sa mataas at kanais nais na timbang.
Bukod dito, sinabi ni Carbonell na ang 5-araw na gulang ng katutubong manok na inobserbahan ng 30 araw at 180 araw ay nagpakita ng parehas na resulta kahit na iba-iba ang ginamit na proporsyon ng Rice Bran at QP Bran.
Makatutulong ang QP Bran sa mga nag-aalaga ng katutubong manok lalo na sa gastos nila sa patuka. Ang QP Bran ay nagkakahalaga lamang ng ₱11 bawat kilo, habang ang Rice Bran ay nagkakahalaga ng ₱25 bawat kilo.
Ayon kay Carbonell, 40 porsyento ng materyales mula sa patapon na bahagi
ng Queen Pineapple ay nasasayang lamang. Sa datos ng Labo Camarines Norte Multipurpose Cooperative, maaaring kumita ng P197,600 bawat ektarya ng ani kung ma-proseso ito sa iba’t ibang produkto kagaya ng QP Bran.