Philippine Standard Time
DOST-PCAARRD, nagbigay ng teknikal na suporta para sa pagpapaunlad ng mga magsasaka ng Lucban
Featured

DOST-PCAARRD, nagbigay ng teknikal na suporta para sa pagpapaunlad ng mga magsasaka ng Lucban

Upang mapansin ng mga malalaking mamimili, ang mga produkto sa merkado ay dapat mataas ang kalidad at umaayon sa mga pamantayan ng ‘safety and handling.’ Upang maabot ng mga maliliit na mga magsasaka ang pamantayang ito, nagbibigay ng suportang teknikal ang Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) sa mga magsasaka. Ito ay ginawang posible sa ilalim ng Agri-Aqua Business Hub (AABH) ng nasabing konseho. 

Kaugnay nito, tinulungan kamakailan ng AABH ang mga maliliit na magsasaka ng Lucban Farmers Agriculture Cooperative (LFAC) sa pamamagitan ng pagsasanay na pinamagatang, “Recommended Production and Management Practices of Selected Herbs and Vegetable Crops.” Ang LFAC ay isang bagong rehistradong kooperatiba at isa sa mga kooperatibang tinutulungan ng AABH. Ang pagsasanay ay isinagawa sa Sangguniang Bayan Conference Room ng Lucban Municipal Hall.

Nabuo ang LFAC upang mapag sama-sama ang mga lokal na magsasaka ng gulay sa Lucban at kasalukuyang ginagawa upang maging ‘supplier’ sa mga ‘institutional buyers’ o mga malalaking mamimili. Tinulungan ng AABH na maging kasosyo ng LFAC ang Farmville Agricultural Source Team o FAST, isang food service company na nagsusuplay sa mga ‘commissary,’ kainan, at iba pang kliyente. 

Sa kabila ng mga matinding pagbuhos ng ulan na nagdulot ng pagkabigo ng LFAC sa ‘trial plantings’ nito, nananatiling pursigido ang kooperatiba para makamit ang ipinangakong dami at kalidad na ani na kinakailangan ng FAST. Upang mabigyan pa ng teknikal na kaalaman at kasanayan na kinakailangan ng LFAC upang mapataas ang kalidad ng kanilang produksyon, isang pagsasanay ang inorganisa ng AABH kasama si Asst. Prof. Lance Irvin Elleva mula sa Institute of Crop Science, College of Agriculture and Food Science, University of the Philippines Los Baños (UPLB-CAFS).

Labinlimang LFAC members ang sinanay sa ‘climate suitability,’ ‘nursery preparation,’ ‘transplanting,’ ‘fertilizer management,’ ‘integrated pest management,’ at ‘postharvest handling.’ Binigyang-diin ng pagsasanay ang mga kasanayan na base sa siyensya katulad ng paggamit ng ‘raised beds,’ ‘organic inputs,’ at paggamit ng sili bilang ‘pest deterrent.’

Isang pangunahing tampok ng pagsasanay ay ang ‘hands-on’ na paggamit ng ‘soil test kit’ (STK) ng UPLB kung saan binigyan ang mga magsasaka ng praktikal na kasanayan sa pagtatasa ng ‘soil nutrient levels’ at pH upang magabayan ng angkop na ‘fertilization strategies.’ 

Pinahalagahan ng mga miyembro ng kooperatiba ang oportunidad na dagdagan ang kanilang teknikal na kapasidad at laliman ang kanilang pag-unawa sa ‘science-based soil management.’ Upang suportahan ang patuloy na pangangasiwa ng lupa para paghandaan ang pagtatanim, opisyal na ibinigay ng AABH sa LFAC ang test kit.

Sa pamamagitan ng ‘mentorship’ at pinalakas na market linkages, naglalayon ang AABH ng DOST-PCAARRD na gawing isang ‘resilient agri-enterprise’ ang LFAC.