
Dinesenyo ng mga mananaliksik ang SmartRAS o ang tinatawag na ‘Recirculating Aquaculture System’ para sa isang masusing pamamahala ng ‘broodstock’ sa akwakultura. Kung ikukumpara sa paggamit ng mga alimangong nahuhuli mula sa ‘wild’ o laut, ang SmartRAS ay nagbibigay ng kontrolado o ‘optimized’ na temperatura habang kino-kondisyon ang mga ‘immature adult’ na alimango para para umabot sa hustong ‘maturity’ at mas pinahusay na katangiang sekswal at kahandaan magparami. Sa pamamagitan ng produksyon ng kalidad na broodstock, makakamit ang mas pare-pareho at maasahang produksyon ng larba o batang alimango sa mga papisaan.
Ang Pilipinas ay isa sa mga nangunguna sa mundo sa produksyon ng alimango. Patuloy nitong sinusuplayan ng buhay na alimango ang lokal na merkado pati na rin ang ibang bansa. Ngunit kahit mataas ang demand, ang industriya ay nahaharap pa rin sa mahina at hindi maayos na ‘broodstock performance,’ tulad ng pagkakaiba sa kalidad ng mga larba sa mga papisaan. Karamihan pa rin sa mga ‘seedstock’ ay inaangkat sa laut kaya’t pabago-bago ang kalidad ng broodstock at hindi napapanatili ang produksyon.
Kadalasang mababa sa 40% ang naita-talang ‘survival’ at ‘spawning success rates’ sa ‘traditional broodstock management systems.’ Ito ang tinutugunan ng SmartRAS sa pamamagitan ng ‘polychaete-assisted biofilter’ na natural na pinapa-buti at pinapa-tatag ang kalidad ng tubig. Sa pagkakaroon ng ‘optimized temperature control,’ nababawasan ang ‘stress’ sa broodstock at napapanatili ang kakayahan nitong magparami.

Unang isinagawa ang modified RAS sa pamamagitan ng proyektong, “Optimization of temperature for Scylla serrata broodstock in a recirculating system with a polychaete-assisted biofilter,” na isinagawa ng Mindanao State University (MSU)-Iligan Institute of Technology. Ito ay pinangunahan ni Dr. Mercedes M. Pates at pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD). Ang proyekto ay naglalayong mapahusay ang performance ng S. serrata broodstock sa pamamagitan ng mas epektibong pamamahala upang mapanatili ang angkop na temperatura.
Ayon sa resulta ng proyekto, ang survival, spawning, at ‘hatching rates’ ay mas mataas gamit ang modified RAS kumpara sa nakasanayang sistema. Ang sistemang ito ay patuloy na pinapanatili ang mababang lebel ng ‘ammonia’ at ‘nitrite’ na nagpapahiwatig ng mas magandang kalidad ng tubig. Ang broodstock na pinalaki sa tubig na may temperaturang 27°C ay nakakuha ng pinakamataas na survival, spawning, at hatching rates at nangangahulugan na ito ang pinaka kanais-nais na kondisyon para sa broodstock ng alimango.
Sa pamamagitan ng ‘compartmentalization’ sa tangke, tumataas ang survival rate sapagkat epektibong nababawasan ng modified RAS ang kanibalismo, isang karaniwang problema sa pagpaparami ng alimango. Napansin din na mas malulusog at mas kalidad ang mga larba mula sa RAS kumpara sa mula sa mga nakasanayan o lumang mga sistema.
Isa pang proyekto ang “Enhancement of captive Scylla serrata broodstock performance through optimization of light conditions and application of nanobubble oxygenation,” ang pinondohan ng DOST-PCAARRD upang makumpleto ang kinakailangang impormasyon upang matapos ang kabuuang konsepto ng SmartRAS. Kapag ang lahat ng ‘parameter’ ay isinama na sa sistema, ang SmartRAS ay tuluyan nang madedebelop bilang isang ‘integrated, technology-enabled platform’ para sa mas pinahusay at kontroladong pagku-kondisyon ng broodstock.
Ang sistemang ito ay mayroong ‘real-time monitoring tools’ na sumusubaybay sa antas ng pH, ‘dissolved oxygen,’ ammonia, at nitrite sa pamamagitan ng isang ‘cloud-based dashboard.’ Ang ‘guided response system’ na ginagamitan ng artificial intelligence ay nagbibigay daan upang makagawa ang mga namamahala sa papisaan ng mabilis na hakbang sa anumang mga pagbabago upang matiyak ang maayos na kalusugan at kalidad ng mga alimango at mabawasan ang sistemang manu-mano sa pagsubaybay. Ang SmartRAS din ay matipid at nagbibigay ng mas mataas na broodstock survival at potensyal sa mas mataas na produksyon.
Ang nasabing teknolohiya ay tampok sa National Science, Technology, and Innovation Week (NSTW) 2025 sa Laoag City, Ilocos Norte kung saan iba’t ibang mga ahensya ng gobyerno at pribadong mga institusyon ang nagpakita ng interes dito.
Sa kasalukuyan, ang SmartRAS ay patuloy pa rin dine-debelop at isinasaayos upang lalong mapanatili ang matatag na suplay ng kalidad na broodstock, mabawasan ang pagdepende sa alimangong huli sa laut, at mapalakas ang ‘competitiveness’ ng industriya ng Philippine mangrove crab.
