Philippine Standard Time
Mang Bean Food Products ng Cagayan Valley, malapit nang mabili sa NCR at Central Luzon
Featured

Mang Bean Food Products ng Cagayan Valley, malapit nang mabili sa NCR at Central Luzon

Instant ‘Ginisang Munggo’ and Instant Mung Bean Noodles of Mang Bean Food Products (Image credit: Department of Agriculture - Regional Field Office 2)

Maaari nang matikman ng mga mahihilig sa munggo ang ‘instant’ Ginisang Munggo at ‘Mung Bean Noodles’ ng Mang Bean Food Products sa Metro Manila at Central Luzon.

Inilunsad ang Mang Bean Food Products noong 2017 upang matulungan ang mga magsasaka at ‘processors’ sa Cabatuan, Isabela sa pagproseso ng  labis na suplay ng munggo na maaari nilang mapag-kuhanan ng karagdagang kita. Noong 2020, inilipat ng Department of Agriculture – Cagayan Valley Research Center (DA-CVRC) ang Mang Bean Food Products sa Farmers Land Owners and Workers (FLOW) ng Pariir Agriculture Cooperative sa Cabatuan upang pataasin ang produksyon ng mga nasabing produkto.

Ang ‘market expansion’ o ang pagpapakilala ng produkto sa mga lugar na labas sa orihinal na merkado nito ay ginawang posible sa pamamagitan ng proyektong, “The ‘Black Gold’ Magic: Expanding Market Reach and Opportunities for Mang Bean Instant Ginisang Munggo and Noodles Food Products,” ng DA-CVRC. Layunin ng proyekto na paunlarin at palawakin ang merkado ng Instant Ginisang Munggo at Instant Mung Bean Noodles ng Mang Bean Food Products.

Tumaas din ang produksyon ng Mang Bean Food Products matapos ipasa ang mga pasilidad at kagamitang nagkakahalaga ng P2.5 milyon noong 2022 mula sa DA Regional Field Office 02 (DA-RFO 02). Sa pagtaas ng produksyon, mas masu-suportahan ang kabuhayan ng mga magsasaka at processors ng munggo. Lumawak din ang merkado ng FLOW ng Pariir Agriculture Cooperative sa apat na rehiyon kabilang ang Central Luzon, National Capital Region (NCR), CALABARZON, at Ilocos Region.

Isinagawa ng pagpapaunlad ng produkto, karagdagang promosyon ang haharapin

Upang masimulan ang pagpapalawak ng merkado sa Metro Manila at Central Luzon, sinuri ng proyekto ang mga potensyal na mamimili ng Mang Bean products sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga ‘focus group discussions’ at ‘survey.’ Sa pamamagitan ng gawaing ito, mas pinagbuti ang proseso ng pagbabalot, pangalan ng mga produkto, at mga prosesong nakakabit sa paggawa ng produkto, kasama ang ‘dough processing,’ ‘noodle cooking,’ at ‘seasoning.’ Ang resulta ng isinagawang ‘Training Needs Assessment’ (TNA) ay nag-udyok na magsagawa ng mga pagsasanay sa ‘strategic marketing,’ ‘machinery maintenance,’ at ‘marketing communications’ sa mga miyembro ng Pariir Agriculture Cooperative. 

Inirerekomenda ng proyektong mas mapatibay pa ang presensya nito sa merkado sa pamamagitan ng patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga mamimili, pagpapalawak ng barayti ng mga produkto, at pagpapahusay ng ‘branding’ at ‘targeted advertising.’ Maa-ari ring gamitin ang ‘digital marketing’ at ‘e-commerce’ upang mas mapaghusay pa ang promosyon sa mga mamimili at mga posibleng kasama sa negosyo.

Ang proyektong ito ay nagkamit ng pangatlong pwesto sa ‘Best R&D Paper Award - Development Category’ sa nakaraang National Symposium on Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development (NSAARRD). 

Sa pangunguna ng DOST-PCAARRD taun-taon, ang NSAARRD ay kumikilala ng mga namumukod-tanging kontribusyon sa pananaliksik at pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura, akwatika, at likas na yaman sa bansa.