Philippine Standard Time
‘Heat-assisted hatchery’ para sa produksyon ng bangus, inilunsad ng DOST-MIRDC
Featured

‘Heat-assisted hatchery’ para sa produksyon ng bangus, inilunsad ng DOST-MIRDC

Ang bangus ay paboritong ulam ng mga Pilipino. Noong 2022, umabot sa halos 500,000 metriko toneladang (t) bangus ang nakunsumo ng Pilipinas. Ayon sa datos,  tinatayang higit sa 300 bilyong semilya ng bangus o ‘fry’ ang kailangan upang masiguro ang suplay ng bangus sa bansa.

Ngunit tuwing sasapit ang taglamig, bumababa ang suplay ng mga semilya ng bangus. Ang malamig na klima ay  nakakapababa ng bilang ng pangingitlog ng mga ‘broodstock’ o inahing bangus. Ito ay nagreresulta ng mababang suplay ng bangus sa panahon ng anihan.

Para masigurado ang tuloy-tuloy na suplay ng bangus, gumawa ang Department of Science and Technology-Metals Industry Research and Development Center (DOST-MIRDC) ay gumawa ng proyektong tinatawag na ‘Heat-Assisted Temperature Control and Monitoring System for Hatchery Management of Milkfish’ o HATCH. Ang proyektong ito ay pinangunahan ni Engr. Glen Espena at pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources ng DOST (DOST-PCAARRD).

Set-up ng HATCH sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources – National Fisheries Development Center in Dagupan City, Pangasinan. (Image credit: DOST-MIRDC Project team)

Ang HATCH ay sagot sa problema ng mga halimhiman o ‘hatcheries’ ng bangus tuwing may pagbabago ng klima at panahon. Gumagamit ang HATCH ng ‘thermal manipulation’ upang masiguro ang temperatura ng mga tangke ng broodstock ng bangus. Nasa 29°C ang pinakamainam na temperatura sa pangingitlog ng bangus.

Napapanatili ng HATCH ang temperatura sa pamamagitan ng  ‘Recirculating Aquaculture System (RAS).’ Ang RAS ay may mga naka-angkop na ‘heat pump,’ ‘electric heater,’ at ‘automated water quality control and monitoring system’ upang makagawa ng angkop na kalagayan para sa pagpapalahi at pagpaparami ng mga bangus. 

Mas pinadali rin ng HATCH ang pagsusubaybay ng mga hatcheries gamit ang mga nakakabit na ‘sensors’ dito. Ang mga ito ay sumusubaybay sa mga kalidad ng tubig gaya ng lebel ng ‘oxygen,’ alat, at ‘pH level.’ 

Pinaliwanag ni Engr. Bjay Latigo, project staff, ang mga features ng HATCH kay Dr. Fortunato Dela Peña, dating DOST Secretary noong NSTW 2025. (Image credit: Rizza Ramoran)

Kung sakaling hindi angkop ang kalidad ng tubig, ay kusang iaakma ng HATCH ang mga ito upang maitama sa pamantayan. Ang mga datos sa HATCH ay masusubayan ng mga kawani gamit ang isang ‘web-based application o app.’