
Bilang suporta sa lokal na industriya ng cacao sa Bukidnon, pinasinayaan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD) ang mga bagong kagamitan at pasilidad sa pagpo-proseso ng mga produktong kakaw sa Bencal Food Products. Hangad ng proyekto na palakasin at pagtibayin ang lokal na industriya sa paglikha ng mga produktong tatapat sa pandaigdigang merkado ng kakaw.
Isa ang Bencal’s Food Products sa nagsusulong ng lokal na paggawa ng mga produktong kakaw sa Bukidnon. Isa rin sila sa mga naging benepisyaryo ng DOST-PCAARRD Startup Grant Fund (SGF) na nag-bibigay tulong pinansyal at teknikal sa mga umuusbong na negosyo sa sektor ng agrikultura, akwatika, at likas na yaman. Sa tulong ng SGF ay inaasahan na mas mapapabilis ang komersyalisasyon at pagtangkilik sa mga inobasyon at teknolohiyang magpapaunlad ng sektor. Ang SGF ay isa sa mga pangunahing inisyatibo ng DOST-PCAARRD, na kalakip ng Republic Act. No. 11337 o Innovative Startup Act.
Sa tulong ng SGF, nais palawakin ng Bencal’s Food Products ang kanilang operasyon at kapasidad sa produksyon. Ilan sa mga pinagkaloob sa kanila na kagamitan ng programa ay ang conche machine, tempering machine, melanger, colloid mill, butter extractor, cracking/winnowing machine, at roasting machine. Ayon sa kanila, malaking tulong ang mga ito sa pagpapabuti ng kalidad ng produkto at pagse-seguro na pasok ang mga ito sa mga pandaigdigang pamantayan.

Kasama rin sa pagpapasinaya ang mga kinatawan mula sa lokal na pamahalaan ng Pangantucan, Bukidnon, DOST Region X, at Department of Trade and Industry-Bukidnon. Adbokasiya ng grupo na mapadali ang paglago ng industriya ng cacao sa kanilang probinsya.
Ayon sa Supervising Science Research Specialist ng Technology Transfer and Technology Division ng DOST-PCAARRD na si Lucy A. Lastimosa, higit pa sa pinansyal na tulong ang napaabot sa Bencal’s. Aniya, batid ng mga ganitong programa na mas bigyang-pansin ang potensyal ng mga negosyong nakabase sa agham.
Binigyang-diin din niya na mahalaga rin na patuloy na pagsikapan ng proyekto ang pagpapaunlad ng mga produktong cacao na sa Bukidnon lamang makikita. Sa pamamagitan nito ay mas maiaangat ng Bencal’s ang kanilang mga produkto sa lokal at sa pandaigdigang merkado.


