Philippine Standard Time
‘Artificial Intelligence-based Detection System’ nadebelop upang mapangasiwaan ang peste ng puno ng ‘rubber’
Featured

‘Artificial Intelligence-based Detection System’ nadebelop upang mapangasiwaan ang peste ng puno ng ‘rubber’

Pagkuha ng mga litrato upang magamit sa IRISDD. (Image credit: IRISDD)

Ang natural na goma o ‘rubber’ ay mahalagang materyal sa paggawa ng iba’t ibang produkto tulad ng mga gulong at sapatos. Ang pagsasaka ng rubber ay nagbibigay kabuhayan sa halos 90% na mga magsasaka sa Mindanao, kasama ang mga rehiyon ng ng Zamboanga Peninsula, SOCCSKSARGEN, BARMM, at Caraga.

Ang industriya ng goma ay humaharap sa iba’t ibang pagsubok na humahadlang sa pagiging produktibo nito katulad ng pesteng ‘Pestalotiopsis leaf fall disease’ (PLFD) na nakakaapekto sa mga puno ng rubber. 

Ang mabilisang pagtukoy ng sakit ay mahalaga sa pangangalaga ng mga taniman ng rubber sa bansa, subalit wala pang naitatag na sistema sa Pilipinas sa pag ‘survey,’ pagtukoy, pagsubaybay, at pamamahala ng mga sakit ng rubber. Ito ang nagtulak sa Philippine Rubber Research Institute (PRRI) upang gumamit ng AI, partikular na ang ‘machine learning-based approaches’ sapagkat ang mga ito ay nakapagtalang mataas na ‘accuracy’ sa pagtukoy ng mga sakit. 

Ilan sa mga samples mula sa IRISDD. (Image credit: IRISDD)

Ang nagawang teknolohiya ay ang Intelligent Rubber Insect Pest and Disease Diagnostic (IRISDD), isang teknolohiyang tumutukoy sa sakit at pesteng insekto gamit ang AI. Ito rin ay isang ‘online diagnostic clinic’ na produkto ng proyektong pinamunuan ni Dr. Jill D. Villanueva ng Cotabato Foundation College of Science and Technology (CFCST) at PRRI, sa pakikipagtulungan sa University of Southern Mindanao (USM). Ang proyektong, “Artificial Intelligence-Based Diagnostic Clinic for Detection and Monitoring System for the Management of Rubber Diseases and Insect Pests,” ay pinondohan ng Philippine Council for Agriculture, Aquatic and Natural Resources Research and Development ng Department of Science and Technology (DOST-PCAARRD).

Sa kasalukuyan, ang IRISDD ay may ‘database’ na naglalaman ng 50,000 na imahe ng peste ng rubber. Ito ay makatutulong sa mga magsasaka sa pagtukoy at pamamahala sa sakit at pesteng insekto sa kanilang taniman. Ang teknolohiyang ito ang magsisilbing ‘centralized’ na maaaring magamit online gamit ang ‘android devices.’ Dahil dito, mas abot kamay ang teknolohiya lalo na sa mga maliliit na magsasaka ng rubber, kooperatiba, asosasyon, local government units (LGUs), at iba pang mga benepisyaryo. 

Maaaring magamit ang IRISDD sa website nito, https://irisdd.net, na mayroong tatlong pangunahing mga serbisyo: ‘real-time update’ sa pagsubaybay ng sakit at pesteng insekto ng rubber; IRISDD Mobile Application na nagbibigay ng mabilisang pagsusuri ng mga potensyal na sakit gamit ang mga litrato; at online clinic kung saan maaaring kumonekta sa mga eksperto sa pagtukoy at pamamahala ng mga sakit at pesteng insekto.  

Resulta ng pagsusuri

Bahagi ng proyekto ay ang pagmamasid, pagsusuri, at pagmapa ng 90 na taniman ng goma sa mga rubber-producing na rehiyon sa Pilipinas. Nasa 15 na klase ng litrato ang nakolekta: 11 na sakit, tatlong insektong peste, at isang malusog na dahon ng goma ang pinroseso sa pagbuo ng IRISDD application. Ang mga peste ay tinukoy base sa ‘symptomatology’ ng pathogens at pinsalang dulot ng insektong peste.

Siyam na sakit at tatlong insektong peste ang naobserbahan sa pag-aaral na mayroong ‘powdery mildew leaf spot (PMLS)’ na siyang pinakalaganap na sakit sa North Cotabato, Northern Mindanao, Davao de Oro, Zamboanga Sibugay, Bayawan City sa Negros Oriental, Palawan sa MIMAROPA, CALABARZON, at sa Basilan sa BARMM. 

Ang Pestalotiopsis leaf fall disease (PLFD) naman ay naitala bilang pangalawa sa pinakalaganap na sakit na naobserbahan sa Basilan, BARMM; Zamboanga Sibugay at Davao De Oro na may naitalang 15-55% na pagkakaroon.

‘Corynespora leaf fall (CLF),’ ‘Bird’s eye spot (BES),’ ‘Algal Spot (AS),’ ‘stem bleeding disease (SBD),’ at ‘root rot disease (RRD)’ ang ilan sa iba pang mga sakit na naobserbahan sa pag-aaral. 

Ilan sa mga insektong peste na naobserbahan ay ang anay, ‘pinhole borer,’ at ‘scale insect’ ang naisama na rin sa IRISDD database.

Ang nasabing proyekto na pinangungunahan ng PRRI ay nagkamit ng pangalawang pwesto sa development category ng National Symposium for Agriculture, Aquatic, and Natural Resources Research and Development (NSAARRD). Ang mga nagwagi ay pinarangalan sa katatapos lang na 53rd DOST-PCAARRD S&T Recognition and Awarding Ceremony na ginanap noong January 30, 2026.

Ang NSAARRD na pinangungunahan ng DOST-PCAARRD kadataon ay kumikilala sa mga natatanging kontribusyon sa R&D sa sektor ng agrikultura, akwatika, at likas na yaman ng bansa.